Petsa ng Paglulunsad ng Unified Gulf Visa, Nalalapit na

Inilathala noong: November 26, 2024

Kamakailan lang ay sinimulan ng Gulf Cooperation Council ang proyekto ng unified tourist visa na tinatawag na GCC Grand Tours Visa. Ang layunin ng proyektong ito ay makalikha ng isang visa na magbibigay pagkakataon sa mga turista na bisitahin ang lahat ng anim na bansang kabilang sa GCC gamit lamang ang isang visa. Ayon sa konseho, kasalukuyang inaayos na ang mga teknikal na detalye at proseso upang maging posible ito.

Ayon sa isang panayam kay Jassim Mohammed Al-Budaiwi, ang Pangkalahatang Kalihim ng Gulf Cooperation Council, ibinahagi niya na pinaplano na ng konseho ang petsa ng paglulunsad ng unified tourist visa bago matapos ang taon. Hinihintay ng konseho ang magiging pinal na plano para sa unified GCC tourist visa, kabilang na ang pagpapatupad ng proyekto. “Inaasahan namin na bago matapos ang taon, magkakaron kami ng malinaw na ideya kung kailan namin ilulunsad ang visa,” wika ng Pangkalahatang Kalihim.

Pahihintulutan ng bagong GCC Grand Tours Visa ang mga turista na makabisita sa mga bansa sa GCC, kabilang na ang Kuwait, Saudi Arabia, Bahrain, Qatar, UAE, at Oman. Sinabi ng Pangkalahatang Kalihim na ang mga mamamayan mula sa labas ng Gulf na nais bumisita sa mga bansang ito ay maaaring pumili alinman sa unified Gulf visa o single visa para naman sa isang bansang pupuntahan. Dagdag pa niya, bagama’t may magandang progreso sa konseho, may mga hamon pa ring kinahaharap at mga dapat isakripisyo para makamit ang pinakalayunin.

Ang proyekto ng GCC Grand Tours Visa ay bahagi ng mga pagsisikap na paunlarin ang ekonomiya. Layunin ng Unified Gulf Visa na makaakit ng mas maraming turista na bibisita sa mga bansa ng GCC at hikayating manatili sila nang matagal sa rehiyon. Ayon kay Ahmed Al-Khateeb, ang Ministro ng Turismo ng Saudi Arabia, na ang bagong unified Gulf visa ay magdudulot ng mas maraming oportunidad sa pamumuhunan para sa mga bansa sa GCC. Pagsapit naman ng 2030, inaasahan ng mga bansa sa GCC na aabot sa $188 billion ang magiging gastusin ng mga turista sa rehiyon, ayon kay Abdulla bin Touq Al Marri, ang Ministro ng Ekonomiya ng UAE.

Ang pagpapatupad ng bagong Unified Gulf Visa ay makakatulong sa paglago ng ekonomiya ng anim na bansa sa GCC.