Inaasahan ang Unified Gulf Tourist Visa Bago Matapos ang 2025
Inilathala noong: June 9, 2025
Nalalapit na ang Gulf Cooperation Council (GCC) sa paglulunsad ng unified Gulf tourist visa bago matapos ang 2025.
Kamakailan lang, sa pinagsamang panayam ng medya matapos ang ika-164 na sesyon ng Konseho ng mga Ministro sa Kuwait, kinumpirma ni GCC Kalihim-Heneral Jassim Al-Budaiwi na nasa masusing yugto na ang mga teknikal na paghahanda para sa nasabing visa.
Binigyang-diin ni Al-Budaiwi na nananatiling pangunahing prayoridad ang proyekto ng unified visa bilang bahagi ng mas malawak na pagpupursigi na palakasin ang rehiyonal na kooperasyon at integrasyong pang-ekonomiya. Ipinahayag niya ang kanyang positibong pananaw na makakamit ang pinal na pag-apruba bago matapos ang taon.
Layunin ng visa na mas padaliin ang paglalakbay ng mga turista sa pagitan ng mga bansang kabilang sa GCC. Inaasahan ding magpapalakas ito ng turismo at aktibidad ng ekonomiya sa rehiyon.
Ang pagpupulong ng mga ministro, na pinangunahan ng Ministrong Panlabas ng Kuwaiti na si Abdullah Al-Yahya, ay tumutok sa kooperasyong pampulitika, pang-ekonomiya, at panseguridad sa pagitan ng mga kasaping estado. Bagama’t tinalakay ang iba't ibang usaping rehiyonal at pandaigdig, itinampok ang unified visa bilang isa sa mga pangunahing hakbangin sa pagsusulong ng malaking pag-unlad para sa magkaanib na aksyon sa rehiyon ng Gulf.
Tinalakay rin sa pagpupulong ang mga naging progreso sa iba pang aspekto ng integrasyon sa rehiyon ng Gulf, kabilang na rito ang kalakalan, pagpapalawak ng sektor ng ekonomiya, at pagpapatupad ng mga pinag-isang patakarang pinansyal. Inilarawan ni Al-Budaiwi ang nangyaring sesyon bilang isang makabuluhang hakbang tungo sa pagpapabuti ng koordinasyon sa pagitan ng mga bansang kabilang sa GCC at pagsasaayos ng kanilang mga patakaran para sa kapakinabangan ng mga mamamayan sa Gulf.
Nakatakdang magbigay ng mas madaling pagpasok sa anim na bansang kabilang sa GCC ang unified tourist visa sa pamamagitan ng isang permit na lamang. Inaasahang makatutulong ito sa mga bisita upang mas mabigyan pa sila ng kalayaang makapaglibot sa rehiyon at mapabuti ang koordinasyon sa mga sektor ng turismo at pagtanggap sa mga bisita.
Inaasahang ilalabas ang karagdagang mga balita sa mga susunod na buwan habang patuloy pa rin sa mga paghahanda.